RTU, matagumpay na naidaos ang ika- 2024 Annual Admin and Faculty Development Program (AAFDP)  at 1st Semester A.Y. 2024-2025 Pre-Opening Seminar (POS)

Ang Pamantasang Teknolohikal ng Rizal ay matagumpay na nagsagawa ng ika-2024 Annual Admin and Faculty Development Program (AAFDP) at 1st Semester A.Y. 2024-2025 Pre-Opening Seminar (POS) na ginanap sa Matabungkay Beach Hotel, Lian Batangas mula ika-5 hanggang ika-9 ng Agosto 2024. Ang programa ay may temang “Cultivating and Unleashing Leadership, Teamwork, and Unwavering Commitment to Excellence (CULTUrE),” na naglalayong pagyamanin ang pamumuno, pagkakaisa, at dedikasyon ng mga kalahok tungo sa kahusayan. Ito ay pinangunahan at inorganisa ng opisina ng  Ikalawang Pangulo para sa Pananalapi at Pangasiwaan (OVPFA) at ang opisina sa Pamamahala ng Yamang Pantao (HRMO).

Nahati ang mga kalahok sa dalawang pangkat. Ang Pangkat Una ay binubuo ng mga Full-time Admin at mga 40-hour based employees, na kinabibilangan ng mga tauhan, pinuno ng opisina at direktor mula sa klaster ng OP, OVPFA, VPPQASI, OVPRIES, at Pasig Branch. Sila ay nagtipon mula ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto, kung saan ang pangunahing tagapagsalita, si Dr. Rey B. Fremista, ay nagbahagi ng mga kaalaman ukol sa tema ng programa. 

Samantala, ang Pangkat Pangalawa ay kinabibilangan ng mga kasaping fakulti mula sa iba’t ibang departamento sa ilalim ng OVPASA klaster. Sila ay nagdaos ng kanilang seminar mula ika-7 hanggang ika-9 ng Agosto, sa pangunguna ni Prof. Engelbert C. Pasag na nagbigay ng mga aral patungkol sa kahalagahan ng pamumuno, pagkakaisa, at pangako sa kahusayan.

Sa parehong pangkat, ipinakilala nina Assoc. Prof. Ella Aragon at Dr. Salvacion Pachejo ang “Strategic Plan ng Pamantasan para sa taong 2025-2028” na may titulong “RTU Five Years from Now!” na naglalayong maglatag ng malinaw na direksyon para sa hinaharap ng unibersidad.

Bukod sa mga seminar at talakayan, naging bahagi rin ng programa ang iba’t ibang team-building activities at Zumba exercises na nagbigay ng kasiyahan at nagpalakas ng ugnayan ng mga kalahok.

Sa buong linggo, aktibong lumahok at nagbigay ng suporta sa mga gawain ang Presidente ng unibersidad na si Dr. Ma. Eugenia Yangco, kasama ang mga Bise Presidente na sina Dr. Ducut, Dr. Quendangan, Dr. Opulencia, at Dr. Pachejo, pati na rin ang Pasig Branch Chancellor na si Dr. Austria.

Ang programang ito ay hindi lamang nagbigay ng mahahalagang kaalaman at kasanayan kundi nagbigay din ng pagkakataon sa mga kalahok na muling makapagdaos ng isang masayang pagtitipon sa labas ng RTU.