Noong Lunes, ika-12 ng Agosto 2024, ginanap ang Seremonya ng Pagtataas ng Watawat sa Pamantasang Teknolohikal ng Rizal (RTU) na pinangunahan ng Tanggapan ng Internasyonal na mga Ugnayan at mga Kawing (IALO) at Senior High School. Ang kaganapan ay idinaos sa kwadrangel ng pamantasan, na may temang “ASEAN: Enhancing Connectivity and Resilience.” Ang seremonyang ito ay nagsilbing opisyal na pagbubukas ng Frosh Fest 2024, isang programa na naglalayong pormal na salubungin ang mga bagong mag-aaral ng RTU.
Ang nasabing seremoniya ay dinaluhan ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Ma. Eugenia M. Yangco, kasama ang mga bise presidente ng pamantasan na sina Dr. Rodolfo L. Ducut, Dr. Magno M. Quendangan, Dr. Salvacion J. Pachejo, at Dr. Kristine Y. Opulencia. Sa talumpati ng pangulo ng pamantasan, malugod na tinanggap ni Dr. Yangco ang mga bagong mag-aaral, na siya ring pangunahing pokus ng Frosh Fest 2024. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng seremonya na nagkataong kasabay ng dalawang mahahalagang okasyon ngayong buwan—ang Buwan ng Wika at ang ika-57 Anibersaryo ng ASEAN.
Bukod sa mga opisyal ng pamantasan, kasamang dumalo sa seremonya ang mga fakulti mula sa iba’t ibang departamento, na buong suporta sa mga bagong miyembro ng komunidad ng RTU. Ang kanilang presensya ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa at dedikasyon sa pagtuturo at paggabay sa mga mag-aaral.
Ang seremonya ng pagtataas ng watawat ay hindi lamang naging simbolo ng pagbubukas ng bagong taon ng akademiko, kundi isa ring paalala ng pagkakaisa at kahalagahan ng ASEAN sa pagpapatibay ng ugnayan at katatagan sa rehiyon. Sa patuloy na pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Anibersaryo ng ASEAN, asahan ang higit pang mga programa at aktibidad na magpapaigting ng kamalayan at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino at sa ating mga kapitbahay sa Timog-Silangang Asya.