RTU, Inilunsad ang Kauna-unahang Frosh Fest 2024 para sa mga Bagong Mag-aaral

Ika-12 ng Agosto, 2024 – Sa isang makasaysayang araw para sa Pamantasang Teknolohikal ng Rizal, inilunsad ang kauna-unahang welcoming event para sa mga bagong mag-aaral, ang “Frosh Fest 2024.” Ang aktibidad na ito ay ginanap sa RTU Mandaluyong Main Campus Quadrangle at naglalayong bigyan ng mainit na pagtanggap at pagpapakilala ang mga bagong mag-aaral sa unibersidad.

Pinangunahan ng direktor ng Pang-unibersidad na Tanggapan ng Ugnayang Pampubliko (UPAO), Asst. Prof. John Eric O. Estrellado, ang masayang selebrasyon. Kasama niya ang iba pang mahahalagang opisyal ng unibersidad at ang Supreme Student Council (SSC) na nagbigay ng kanilang suporta at pakikipagtulungan upang maging matagumpay ang naturang programa.

Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng Mabuhay Parade, kung saan ang mga bagong mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo ay pumarada sa Quadrangle. Bitbit nila ang mga banners ng kanilang kolehiyo habang buong siglang isinisigaw ang kani-kanilang yell. Habang sila’y naglalakad, ipinakikilala ng tagapagdaloy ng programa ang iba’t ibang propesyong maaaring tahakin ng mga estudyante pagkatapos nilang mag-aral sa RTU.

Sa parehong umaga, ipinakilala ni Dr. Rodrigo DP Tomas, ang Dekano ng Student and Aluimni Affairs Unit (SAASU), ang mga opisyales ng RTU mula sa mga pinuno ng opisina, mga direktor, hanggang sa mga matataas na opisyal ng unibersidad. Nagbigay din ng mensahe ang pangulo ng unibersidad, si Dr. Ma. Eugenia Yangco, na naghayag ng kanyang kagalakan sa pagkikita ng mga bagong mukha ng mga mag-aaral. Nagbigay rin ng payo ang ikalawang pangulo ng Ugayang Pang Akademiko at Pang mMag-aaral (VPASA) na si Dr. Kristine Opulencia ukol sa mga hamon at oportunidad na maaaring harapin ng mga estudyante sa kanilang bagong taon ng pag-aaral.

Sa ikalawang bahagi ng programa, isinagawa ang iba’t ibang palaro kung saan masigla at masayang nakilahok ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo. Agad na sinundan ang mga palaro ng “Frosh Night Party”, kung saan tampok ang mga presentasyon sa entablado.

Kasama sa mga nagtanghal ang RTU Dulaang Rizalia, RTU Kultura Rizalia, at mga banda na binubuo ng mga estudyante at mga propesor ng RTU. Nagbigay ng dagdag na kasiyahan ang Hydro Fest na pinangunahan ng BFP Mandaluyong, kung saan masayang sumayaw ang mga estudyante habang sila’y binabasa ng tubig. Sa pagtatapos ng programa, tinawag ang mga nanalo mula sa iba’t ibang kolehiyo bilang pagkilala sa kanilang tagumpay sa mga palaro.

Ang tagumpay ng Frosh Fest 2024 ay sumasalamin sa dedikasyon ng RTU na alagaan at suportahan ang kanilang mga estudyante mula sa simula pa lamang ng kanilang akademikong paglalakbay. Inaasahan ng pamunuan na ang ganitong uri ng kaganapan ay magiging taunang tradisyon na magbibigay inspirasyon at sigla sa bawat bagong henerasyon ng mga Blue Thunders.