Balikatang Pagpapalakas sa Pagtutupad ng Mga Programang Pang-ekstensiyon Isinagawa sa PROJECT REACH 4.0

Ika-15 ng Agosto 2024, isinagawa ang balikatang pagpapalakas sa pagpapatupad ng mga programang pang-ekstensiyon sa PROJECT REACH (Redesigning Extension Activities, Concepts and Habits) 4.0 na may temang “Pagpapalakas, Pagkatuto, Pakikiisa: Pagpapahusay sa Pagpapatupad ng mga Programang Pang-ekstensiyon.” Ginanap ito sa ika-5 palapag, Plenary Hall, gusali ng DJVE. Pinangunahan ang talakayan ni Instr. Ricardo H. Momongan, Jr., Direktor ng Tanggapan ng Ekstensiyon at mga Serbisyong Pangkomunidad. Mula sa suporta ni Dr. Magno M. Quendangan, Ikalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Inobasyon, at mga Serbisyong Pang-ekstensiyon. Dinaluhan ang gawaing ito ng iba’t ibang fakultad ng ekstensiyonista mula sa iba’t ibang kolehiyo at surian. Pangunahing layunin ng onboarding training na ito na maigiya ang mga fakultad-ekstensiyonista sa kahusayan sa pagpapatupad ng mga nagpapatuloy at mga bagong programang pang-ekstensiyon tungo sa pag-aambag sa pagtatamo ng internasyonal, nasyonal, rehiyonal, at institusyonal na mga adyendang tuon sa pagpapaunlad ng komunidad at bayan.

Nagsimula ang programa sa rehistrasyon ng ika-8 ng umaga, sinundan ng Paghahandog sa Maykapal, Paghahandog sa Bayan, at Pag-awit ng Himno ng Bagong Pilipinas at Himno ng RTU. Nagbigay rin ng pambungad na pananalita si Dr. Magno M. Quendangan, Ikalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Inobasyon, at mga Serbisyong Pang-ekstensiyon.

Ang pangunahing tagapagsalita ay si Instr. Ricardo H. Momongan, Jr. Tinalakay niya ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa ekstensiyon at mga serbisyong pangkomunidad, ni-recap ang 2024 In-House Review, at ipinaliwanag ang kasalukuyang estado ng mga ekstensiyonista sa proseso. Tinalakay din ang mga sumusunod: Process on the Revision of the Extension Capsule, Processing of Memorandum of Agreement/Understanding, at Student and Alumni Involvement in the Approved Extension Program. Ipinakita rin ni Instr. Momongan, Jr. ang mga iba’t ibang pormularyo at dokumentong kailangan para sa dokumentasyon at ang kahalagahan nito sa Accreditation at JC No. 3 ng CHED at DBM.

Bilang pangwakas, nagkaroon ng pangkatang pagkuha ng larawan at pangwakas na pananalita mula kay Instr. Victor M. Lim. Sina Instr. Angeline V. Villareal at Instr. John Paul G. Sison ang naging tagapagdaloy ng programa at nagsilbing gabay sa mga kalahok sa mga talakayan at aktibidad. Naging tagapamahala rin sa programang ito ang mga kawani ng tanggapan ng ekstensiyon na sina Instr. Abigail P. Mendoza at Bb. Gemma J. Acer. Katuwang din ang iba’t ibang Koordineytor ng mga Serbisyong Pang-ekstensiyon na sina Instr. Rhoda M. Malabanan, Instr. Antonio B Bustamante, Jr., Ar. Felipe R. Magcamit, Instr. Maria Agnes C. Guardiano, at Kaw. Prop. Edwin M. Purisima.

Ang gawaing ito ay patunay nang nagpapatuloy na hangarin ng RTU sa pagpapalakas ng mga kawani nito tungo sa mas malakas, malawak, at makabuluhang pagsisilbi sa bayan.