RTU, Nakiisa sa Multisektoral na Kolaborasyon upang Palakasin ang mga Sustainable Development Programs ng MMDA

Muling pinagtibay ng Rizal Technological University (RTU) ang matatag nitong paninindigan sa pagsusulong ng sustainable development at pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng paglahok sa Collaboration Meeting na pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III at ni Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Dr. Ricmar P. Aquino.

Bilang pakikiisa ng akademya sa layunin ng pagpupulong, dumalo rin ang mga kinatawan ng Isabela State University (ISU), Technological University of the Philippines (TUP), at Polytechnic University of the Philippines (PUP) upang talakayin ang mga estratehiya at inisyatibong magpapalakas sa kooperasyon ng mga institusyon sa pagsuporta sa mga programang pangkaunlaran ng MMDA.

Kinatawan naman nina Dr. Ma. Eugenia M. Yangco, Pangulo ng Unibersidad, at Assoc. Prof. Donato Z. Estocada, Direktor ng International Affairs and Linkages Office (IALO) ang Rizal Technological University (RTU).

Nagsilbing mahalagang plataporma ang naturang pagpupulong upang pag-usapan ang mga programa at proyektong nakatuon sa sustainable development ng mga lungsod, pangangalaga sa kalikasan, inobasyon, at mas matibay na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga State Universities and Colleges (SUCs) bilang suporta sa pambansang alituntunin sa kaunlaran.

Bilang bahagi ng programa, ibinahagi ni Assoc. Prof. Estocada ang presentasyon hinggil sa mga inisyatina ng RTU hinggil sa Sustainable Development Goals (SDG) at kung paano nakahanay ang mga ito sa mga pangunahing programa at prayoridad ng MMDA. Itinampok niya ang iba’t ibang inisyatiba ng unibersidad sa larangan ng sustainability education, climate action, pananaliksik at inobasyon, community engagement, smart campus development, at pangangalaga sa kapaligiran bilang konkretong ambag ng RTU sa pagtataguyod ng isang mas matatag at sustainable na lipunan.

Ayon kay Estocada, “Ang Sustainable Development Goals ay hindi lamang pananagutan ng bawat institusyon kundi isang sama-samang adhikain. Sa pamamagitan ng matibay na kolaborasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at mga institusyong pang-edukasyon, makalilikha tayo ng mga makabagong solusyon na magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa ating mga komunidad.”

Isa sa mga mahahalagang naging bunga ng pulong ay ang pagkakasundo ng mga kalahok na magtatag ng isang consortium na pagbubuklurin ang MMDA, CHED, RTU, ISU, TUP, PUP, at iba pang katuwang na institusyon. Layunin ng consortium na higit pang palakasin ang kooperasyon ng isaโ€™t isa sa pamamagitan ng magkatuwang na pananaliksik, mga programang pang-ekstensyon, pagbabalangkas ng mga polisiya, capacity-building activities, sustainability projects, at pagpapalitan ng kaalaman at mga pinakamahusay na kasanayan.

Inaasahang magiging mahalagang mekanismo ang consortium sa pagsasama-sama ng kakayahan, kaalaman, at mga mapagkukunan ng bawat institusyon upang makapagpatupad ng mga programang tutugon sa mga hamon sa kalakhang Maynila at higit pang maisulong ang mga layunin ng Sustainable Development Goals.

Ipinahayag naman ni Dr. Yangco, ang buong suporta ng unibersidad sa inisyatiba. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga estratehikong pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at mga institusyong pang-akademiko upang makabuo ng mga makabago at makabuluhang solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan.

Patuloy na pinatutunayan ng RTU ang kanyang tungkulin bilang isang Smart at Transnasyuonal na pamantasan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga makabuluhang pakikipag-ugnayan na nagpapalakas sa edukasyon, pananaliksik, inobasyon, pagpapanatili ng kalikasan, at paglilingkod sa komunidad.

Sa pamamagitan ng pakikilahok sa multi-sektoral na inisyatibang ito, muling ipinakita ng RTU ang kanyang aktibong papel bilang katuwang ng pamahalaan sa pagsulong ng sustainable development at sa pagbuo ng mas matatag, mas luntian, at mas maunlad na mga pamayanan sa pamamagitan ng edukasyon, inobasyon, at sama-samang pagkilos.