Bangkok, Thailand— Ipinagmamalaki ng Rizal Technological University (RTU) ang paglahok ng ilang piling mag-aaral at guro sa 9th Global Leadership Program na ginanap mula ika-11 hanggang ika-15 ng Agosto 2024 sa Ibis Riverside Hotel, Bangkok. Ang programa ay may temang ‘Rethinking, Relearning, Reskill’ at inorganisa ng The Master’s Institute Development Academy & Seminary (MIDAS) at Association of the Universities of Asia and the Pacific (AUAP).
Ang delegasyon mula sa unibersidad ay binubuo nina Student Supreme Council (SSC) President Joshua Regndrei Verzo, SSC Vice President Jirah Martin, MCCSC Chairperson Roy Raagas, CBEASC Chairperson James Matthew Caballes, CASSC Chairperson Kent Harvey Godin, CEDSC Public Relations Officer Mark Ferdinand Gallarte, COESC Assistant Treasurer Monica Gepitulan, PCCSC Chairperson Kevin Remperas, IASC Chairperson Justine Jude Manalang, at ICSSC Vice Chairperson Dinace Natividad. Kasama rin sa mga dumalo ang mga kaguruan na sina Instr. Cyrille Anne Rafael ng International Affairs and Linkages Office (IALO) at Instr. Kyle Alcantara ng Management Information Services Office (MISO).
Ang programa ay nagbigay ng mga inspirasyonal na talakayan na pinangunahan ng mga kilalang tagapagsalita mula sa iba’t ibang sektor ng edukasyon at industriya. Sa unang araw, pinangunahan ni Dr. Rolando García, Presidente ng MIDAS, ang seremonya ng pagbubukas at nagbigay ng mga pambungad na salita tungkol sa layunin ng programa.
Isa sa mga highlight ng programa ay ang talakayan tungkol sa pagsulong ng inklusibidad ng mga ideya, pangunguna sa mas modernong mundo, at pagpapahusay ng kasanayan sa komunikasyon. Bukod dito, nagkaroon din ng mga aktibidad na nagpalakas ng teamwork at leadership skills.
Sa huling bahagi ng programa, pinarangalan ang delegasyon bilang pagkilala sa kanilang pakikilahok at dedikasyon sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa pamumuno.
Bilang bahagi ng kanilang cultural immersion, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga delegado na makapamasyal sa Grand Palace at sa mga kilalang pook-pasyalan sa Bangkok. Naging mahalaga ang karanasang ito para sa mga mag-aaral na patuloy na hinuhubog ang kanilang potensyal bilang mga lider sa kani-kanilang larangan.