Sa ika-12 ng Nobyembre at sa ilalim ng temang “Buklod: Isang Pamilya. Isang Pamana. Isang Pangarap”, pormal nang binuksan ng Rizal Technological University (RTU) ang bagong yugto ng kasaysayan nito bilang isang institusyon nang isinalin na ni Dr. Ma. Eugenia M. Yangco ang pagkapangulo ng unibersidad kay Dr. Rodolfo L. Ducut, ang nanalong kandidato sa nagdaang halalan para sa susunod na pangulo ng RTU noong ika-9 ng Nobyembre. Kasabay ng pagsasalin ng pangagalaga sa University Mace, Flag, at Seal, sinasalamin ng naganap na Presidential Turnover Ceremony ang hudyat ng paglipat ng RTU mula sa pangangalaga ni Dr. Yangco, patungo sa pangagalaga at liderato ni Dr. Ducut.
Dinaluhan naman ng mga miyembro ng iba’t ibang mga sektor ng RTU ang nasabing turnover ceremony bilang pagsuporta sa pagsasalin ng pagkapangulo ng unibersidad. Dumalo ang mga matataas na opisyal ng RTU, kasama ang mga miyembro ng fakultad at mga empleyadong pang-administratibo. Naroon din ang ilang mga mag-aaral mula sa Katataas-taasang Konseho ng mga Mag-aaral (RTU-SSC), sa pangunguna ni Student Regent Ben Jude “Love Celeste” Selda, at ilang mga miyembro ng The Guardian Publication. Kinatawan naman ni Alumni Regent Jayson Q. Montallana at kanyang mga kasama ang sektor ng mga alumni ng RTU.
Pinangunahan naman ni Dr. Rodrigo DP. Tomas, Ikalawang Pangulo para sa mga Ugnayan at Serbisyong Pangmag-aaral, ang pagbubukas ng seremonya, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kahulugan ng salitang “buklod”. Ayon sa kanya, akmang-akma ang tema sa ginaganap na seremonya sapagkat ang buklod ay nangangahulugan ng pagsasama o pagkakaisa.
Bilang pagkilala sa pagtatapos ng kaniyang termino bilang pangulo ng RTU, binigyang diin ni Dr. Yangco ang tema ng seremonya. Emosyonal niyang pinasalamatan ang lahat ng mga miyembro ng komunidad na kasama niya sa walong taong paglilingkod sa mga Rizaliano at tumayong mga haligi ng pamilyang bumubuo sa Pandayang Rizalia. Ayon sa kanya, bilang ina ng pamantasan at sa kabila ng kaniyang pagreretiro sa serbisyo publiko, mananatili ang kaniyang pagsuporta sa mga makapagpapabuti sa unibersidad at komunidad. Kinilala rin ni Dr. Yangco ang pagkakaisa ng mga Rizaliano sa pagpapa-unlad sa Pandayang Rizalia na magsisilbing pamana ng kanyang administrasyon sa lahat ng mga miyembro at katuwang ng unibersidad.
Pinarangalan din ng mga ikalawang pangulo ng unibersidad si Dr. Yangco bilang pagkilala sa paglilingkod nito sa komunidad ng mga Rizaliano at sa mga kontribusyon ng kaniyang administrasyon sa pagpapa-unlad sa unibersidad. Kasabay ng pagkilalang ito, pormal nang isinara ng RTU ang yugto ng kasaysayan nito sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Yangco at pormal nang kinilala ang pagtatapos ng kanyang termino noong ika-16 ng Nobyembre.
Matapos nito ay opsiyal nang ipinasa ni Dr. Yangco ang University Mace, University Flag, at University Seal kay Dr. Ducut. Ang pagpapasang ito ng mga simbolo ng unibersidad ay ang seremonyal na pagsasalin ng responsibilidad na pangalagaan ang interes ng unibersidad at mga komunidad nito.
Nang lubos nang maisalin ang pagkapangulo, ipinakilala naman ni Dr. Kristine Y. Opulencia, Ikalawang Pangulo para sa mga Ugnayang Pang-akademiko, ang paglalakbay at kredibilidad ni Dr. Ducut. Inilarawan niya ang paglalakbay ng bagong pangulo bilang isang makulay na pag-angat mula sa pagiging isang kontraktuwal na manggagawa ng unibersidad noong 2008, sa kanyang regularisasyon bilang isang miyembro ng fakultad, sa pagiging pinuno ng departamento sa College of Business, Entrepreneurship, at Accountancy, pagiging ikalawang pangulo nito para sa Pananalapit at Administrasyon, hanggang sa kanyang pagwagi bilang pangulo ng unibersidad na kanya mismong pinanggalingan.
Matapos ipakilalang muli sa mga Rizaliano, ibinahagi naman ni Dr. Ducut ang kaniyang 14-pahinang Inaugural Address kung saan kanyang pinasalamatan ang suportang kaniyang natanggap habang hinihimok ang lahat na umusad mula sa tensyon ng halalan tungo sa nagkakaisang pagpapa-unlad sa unibersidad. Kinilala rin niya sina Dr. Alexander Cortez, Dr. Julius Meneses, at Dr. Jeremias Buraga, na kapwa niya kandidato sa pagkapangulo, para sa kanilang patuloy na pagmamahal sa RTU at sa mga aral na natutunan ni Dr. Ducut mula sa kanilang pagkandidato.
Sa kanyang inaugural address, inihayag ni Dr. Ducut ang kanyang intensyon na maging isang “Unifying President”. Ayon sa kanya, isa sa kanyang aspirasyon para sa komundidad ng mga Rizaliano ay ang maging tulay tungo sa pagkakabuklod-buklod ng mga sektor at representasyon ng mga Rizaliano mula sa mga empleyado, fakultad, mag-aaral, at mga alumni. Kasabay ng pahayag na ito, inilatag ni Dr. Ducut ang mga hakbang na kaniyang ipatutupad para sa katuparan ng mithiing ito, katulad ng bukas na dayalogo sa pagitan ng pangulo at mga sektor ng Rizaliano.
Kabilang sa mga dayologong ito ang pakikipag-ugnayan sa sektor ng mga mag-aaral upang talakayin ang mga daing ng mga Rizaliano ukol sa presyo at distribusyon ng mga libro at uniporme. Kinilala niya ang mga lehitimong panawagang ito bilang mga oportunidad para sa pagpapa-unlad ng isang maayos na pamantasan para sa lahat. Bukod dito, ipinangako rin ni Dr. Ducut na magpapatuloy ang pagpapaganda sa mga pasilidad ng pamantasan upang magamit sa pagpapataas ng antas ng kapasidad ng RTU para sa mas pinalakas na pagtuturo at pagkatuto. Magpapatuloy din ang pagpapatuloy ng pagsasagawa ng mga smart classroom para sa pagpapaigting ng mga pang-akademikong gawain.
Inilatag din ni Dr. Ducut ang kaniyang mga aspirasyon sa pagpapalakas ng ugnayang ng RTU sa mga alumni nito. Kabilang dito ang pagpapalakas sa mga mekanismong nagpapanatili ng koneksyon ng unibersidad sa mga nagsipagtapos nitong mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapaigting sa ugnayan ng pangulo at RTU-Grand Alumni Association na pinamumunuan ni alumni regent Montallana. Ibinahagi rin ng bagong pangulo ang Data Governance Framework na inisyatiba ng University Planning and Development Office, kung saan magkakaroon ng data repository para sa mga alumni na magiging daan sa mas organisadong pagsubaybay at pagsuporta sa mga nagsisipagtapos sa RTU.
Para sa mga fakultad at empleyado, ibinahagi ni Dr. Ducut ang pagpapaigting sa pagkilala sa pagod at sakripisyo ng mga kawani ng unibersidad, tulad ng pagpuno sa mga bakanteng posisyon alinsunod sa mga direktiba ng Department of Budget and Managemet at Civil Service Commission, at pagpo-promote sa mga kwalipikadong fakultad sa pamamagitan ng Merit Promotion sa darating na taong 2027.
Binigyang diin din ng pangulo ang kaniyang pagnanais na buksan sa publiko, lalo na sa mga miyembro ng komunidad, ang budget at alokasyon ng pamantasan sa pamamagitan ng pag-iimbita sa mga kinatawan ng mga sektor sa tuwing magkakaroon ng Budget Planning ang pamantasan. Saad ng pangulo, “Nais kong maging bukas at malinaw sa ating mga kinatawan kung saan napupunta ang pondo ng pamantasan, ano ang ating mga prayoridad, at paano natin tinitiyak na ang bawat pisong inilaan ay may pakinabang sa ating mga mag-aaral, guro, kawani, at sa buong komunidad ng rtu.”
Ilan lamang ang mga hakbang na ito sa mga ibinahagi ng bagong pangulo sa kanyang mga plano sa pagpapalakas at pagsasaayos ng unibersidad.
Matapos ng Inaugural Address ni Dr. Ducut, nagbigay naman ng mga mensahe ng pagsuporta ang ilang mga kinatawan ng mga sektor ng RTU, kabilang sina student regent Selda, alumni regent Montallana, Association of Administrative Personnel president Arnel Jaming, at Ikalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Inobasyon, at mga Serbisyong Pang-ekstensyon Dr. Magno M. Quendangan.
Sa pagtatapos ng programa, pinasalamatan ni Dr. Salvacion J. Pachejo, Ikalawang Pangulo para sa Pagpaplano, Paseguruhan ng Kalidad, at Estratehikong Inisyatiba, ang mga dumalo at nagpakita ng suporta hindi lamang para sa bagong pangulo kundi pati na rin sa pagpapatuloy ng pag-unlad ng RTU.
Sa pagpapalit ng RTU ng lider na gagabay dito patungo sa mga aspirasyon ng komunidad ng Rizaliano, inaasahan ang patuloy na pag-angat ng kapasidad ng pamantasan hindi lamang sa mga pang-akademikong gawain kundi maging sa pagiging bukas nito para sa lahat ng uri ng mag-aaral. Sa pormal na pagtanggap ni Dr. Ducut sa mga responsibilidad na kalakip ng kanyang pagkapangulo, sama-samang haharap ang buong komunidad ng mga Rizaliano sa mga bagong hamon at mga bagong uri ng tagumpay para sa Pandayang Rizalia.
