Matagumpay na nailunsad ng Rizal Technological University (RTU) ang 2025 Annual Admin and Faculty Development Program (AAFDP) na may temang “Pandayang Rizalia: SMART-U” (Strengthening Modernization and Advancement for a Responsive and Transformative University) sa Leonida’s Resort & Restaurant, Talisay, Batangas. Ang programang ito ay nahahati sa dalawang batch na layong pagyamanin ang kaalaman at kakayahan ng mga fakultad at mga tauhang pang-administratibo ng unibersidad.
Ang unang batch na ginanap noong Agosto 11-13, 2025 ay nakatuon sa tema ng “Smart Minds: Shaping Modern Academics and Research through Transformative Technologies.” Sa tatlong araw na kaganapang ito, naging pangunahing speaker si Dr. Jessie S. Barrot na tumalakay sa smart minds at artificial intelligence, at kung paano ito magagamit sa modernong akademya at pananaliksik. Ang mga kalahok ay dumaan sa iba’t ibang aktibidad tulad ng team building exercises, at iba pang collaborative activities na naglalayong palakasin ang kanilang kakayahan at ugnayang propesyonal.
Samantala, ang ikalawang batch na naganap naman noong Agosto 13-15, 2025 ay tumutok sa “Smart Workforce: Strengthening Management and Administrative Responsiveness through Technology.” Ang batch na ito ay may pangunahing speaker na si Dr. Felina P. Espique na tumalakay sa smart workforce at kung paano mapapalakas ang management at administrative systems ng pamantasan sa pamamagitan ng teknolohiya. Katulad ng unang batch, ang mga participants ay nakaranas din ng iba’t ibang development activities, workshops, at interactive sessions na naglalayong mapagtibay lalo ang pagsasamahan ng mga empleyado.
Ang PRIME-HRMO Learning and Development Section (HRMO LDS) ang nanguna sa pagpapatupad ng programang ito bilang bahagi ng kanilang pangako sa patuloy na pagpapalakas sa yamang pantao ng RTU sa pamamagitan ng mga programang para sa propesyonal na kaunlaran. Ang mga kalahok ay nanatili sa resort habang dumadalo at nakikiisa sa mga sesyon, na nagbigay ng mas taimtim at tutok na kapaligiran para sa pagkatuto at networking.
Sa pamamagitan ng AAFDP 2025, inaasahan ng RTU na magiging handa ang kanilang mga fakultad at mga tauhang pang-administratibo para sa mga hamon at oportunidad sa darating na taong panuruan 2025-2026. Ang programa ay nagpapakita ng dedikasyon ng RTU sa pagkakaroon ng world-class na edukasyon at modernong pagtungo sa mataas na antas ng edukasyon sa Pilipinas.
