Lungsod ng Mandaluyong — Ang Rizal Technological University (RTU), sa pamamagitan ng International Affairs and Linkages Office (IALO), ay kolaboratibong nakipagpulong sa mga kinatawan ng University of Wolverhampton mula sa United Kingdom, Agosto 29, 2025. Ito ay bahagi ng layunin ng pamantasan na patuloy na palawakin ang mga pandaigdigang ugnayan ng Pandayang Rizalia sa akademya at pananaliksik.
Dumalo sa nasabing pulong mula sa University of Wolverhampton si AP. TS. Dr. Alla Kesava Rao, TNE ASEAN Strategic Head ng Office for Global Opportunities, at mga pangunahing opisyal ng RTU, kabilang sina Dr. Magno M. Quendangan, Pangalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Inobasyon, at mga Serbisyong Pang-ekstensyon (VPRIES), Dr. Kristine Y. Opulencia, Pangalawang Pangulo para sa mga Ugnayang Pangmag-aaral at Pang-akademiko (VPASA), Asst. Prof. John Eric O. Estrellado, Direktor ng Tanggapan ng Pananaliksik, Pagpapaunlad, at Inobasyon (RDIO), Dr. Mark Joseph Santos, Direktor ng Surian ng Pantaong Kinetiks (IHK), Instr. Jennica C. Bacungan, Associate Dean ng Kolehiyo ng Pangangalakal, Pagnenegosyo, at Akawntansi (CBEA), Instr. Michael Ivan P. Mendiola, Puno ng Kagawaran ng Financial Management, at Assoc. Prof. Donato Z. Estocada, Direktor ng International Affairs and Linkages Office (IALO).
Ang pag-uusap ay nakatuon sa mga posibleng kolaborasyon sa transnational education (TNE), mga kasunduang pangkolaborasyon sa pananaliksik, mga posibleng palitan ng mag-aaral at guro, at pagpapaunlad ng mga pinagsamang inisyatibang pang-akademiko.
Ang estratehikong ugnayang ito ay nagmarka ng isang mahalagang hakbang sa pananaw ng RTU na isulong ang internasyunalisasyon at palakasin ang posisyon nito sa pandaigdigang komunidad ng akademya. Layunin ng pakikipag-ugnayan ng RTU at University of Wolverhampton na makalikha ng mga pangmatagalang oportunidad sa akademya at pananaliksik na naaayon sa pandaigdigang pamantayan at sa nagbabagong pangangailangan ng mas mataas na edukasyon sa ASEAN at higit pa.
Ipinapakita ng pagpupulong na ito ang matibay na pangako ng RTU sa pandaigdigang konektibidad, inobasyon, at kahusayan sa akademya.
