Isang Gabi ng Karangalan at Katapatan: Pinning Ceremony ng mga Nagsasanay na Guro ng RTU, Takda ng Simula ng Paglalakbay bilang mga Guro sa Hinaharap

Naging isang marangal na gabi ang ika-18 ng Agosto, 2025, para sa mga nagsasanay na guro ng Rizal Technological University (RTU) dahil sa ginanap na Pinning Ceremony na nagtatakda ng simula ng kanilang ganap na paglalakbay bilang mga guro.Ang seremonyang pinangunahan nina Instr. Vincent De Vera at Instr. Carina Nocillado ay isang makabuluhang tradisyon ng Kolehiyo ng Edukasyon (CEd) na nagbibigay ng pagpapala at parangal sa mga guro ng hinaharap; kasabay ng pagbati para sa tagumpay ng kanilang paglalakbay sa pagtuturo. Nagsimula ang kaganapan sa mga nakakikilos na salita mula sa panauhing tagapagsalita na si G. John Darryl S. Mercado, Nanunungkulang Pinuno ng ICT Unit-SDO Mandaluyong.

Tampok sa seremonya ang pagsisindi ng mga kandila na pinangunahan ng mga Puno ng Kagawaran. Ang ritwal na ito ay sumisimbolo sa pagpapasa ng kaalaman at karunungan mula sa isang henerasyon ng mga guro tungo sa susunod. Ito rin ay kumakatawan sa pag-asa para sa kinabukasan ng edukasyon—na ang bagong grupo ng mga guro ay magdadala ng mga bagong ideya, lakas, at positibong pagbabago sa propesyon. Bukod pa rito, sumasalamin ito sa taos-pusong pananagutan ng mga nagsasanay na guro sa kanilang mga magiging mag-aaral at bahagi ng pangakong magiging tuluy-tuloy na pagmumulan ng patnubay, inspirasyon, at suporta na mag-iilaw sa landas ng pagkatuto. Ang paghawak ng nakasinding kandila ay nagpapahiwatig na handa na silang panindigan ang mataas na pamantayan ng propesyon at maging isang moral at intelektwal na pinuno para sa kanilang mga mag-aaral sa hinaharap. Ang mga pangako at simbolismong ito ay pinagtibay at tinatakan sa pagsusuot ng pin, na pinamahalaan ni Instr. Mariacil Agustin, Tagapangasiwa ng Pre-Service Teachers Association (PSTA) ng CEd.

Ang makasaysayang kaganapang ito ay nagsisilbing panimula sa mga Rizalianong nagsasanay maging guro at ito ay patunay sa dedikasyon ng RTU sa paghubog ng kinabukasan sa pamamagitan ng paglinang, pagsasanay, at pagpapaunlad ng mga bihasang guro ng hinaharap. Titiyakin ng pangakong ito ng pamantasan ang kinabukasan ng kabataan at pananatilihin ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng kanilang mga guro na handang magturo at tumugon sa kasalukuyang pangangailangan ng kabataan sa panahong ito.