Lungsod ng Mandaluyong, Agosto 8, 2025 — Opisyal na inilunsad ng Rizal Technological University (RTU) ang proyektong RTU Change Behind Bars sa Bureau of Jail Management and Penology-Mandaluyong City (BJMP-Mandaluyong). Layunin ng programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na makapag aral ng libreng kolehiyo sa programang Bachelor of Science in Business Administration major in Entrepreneurship. Sa ilalim ng programa, 39 na PDL ang makakakuha ng pagkakataong magbago sa pamamagitan ng libreng edukasyon.
Ang programa ay dinaluhan ng mga opisyal ng RTU, sa pangunguna ng Pangulo ng Pamantasan, Dr. Ma. Eugenia M. Yangco at Direktor ng Extension and Community Services Office (ECSO) Instr. Ricardo Momongan Jr. Malugod naman silang tinanggap ng mga kawani ng BJMP-Mandaluyong sa pangunguna nina City Jail Warden ng Mandaluyong City – Male Dormitory JCInsp. Joey B. Genecera at Acting Warden ng Female Dormitory, JSInsp. Gerlie A. Haber, kasama ni BJMP-NCR Assistant Regional Director for Administration JSSupt. Roger D. Antonio. Dumalo rin sina Mandaluyong Representative Cong. Alexandria “Queenie” P. Gonzales at Mandaluyong 1st District Councilor Charisse Marie Abalos-Vargas upang katawanin ang Lokal na Pamahalaan ng lungsod at magbigay ng kanilang suporta sa programa.
Sa mga pahayag ng suporta nina JCInsp. Genecera at JSInsp. Haber, inihayag nila ang kanilang kumpyansa at suporta sa mga Change Behind Bar Learners (CBB Learners) para sa kanilang pagbabagong buhay sa pamamagitan ng edukasyon. Nagbigay naman ng mensahe ng suporta at pangako si Dr. Yangco na pantay, inklusibo, at de kalidad ang edukasyong inaalok ng Pandayang Rizalia.
Nilagdaan din ang Arko ng Rehas ng Karunungan na sumisimbolo na ang pangarap ay hindi kailanman maikukulong. Ipinakita dito ang walang sawang suporta at pangako para sa mga CBB Learners. Ang paglagda ay pinangunahan nina JSSupt. Antonio, kasama sina JCInsp. Genecera, JSInsp. Haber, Dr. Yangco, mga Pangalawang Pangulo ng Unibersidad na sina Dr. Magno M. Quendangan, Dr. Salvacion J. Pachejo, Dr. Rodolfo L. Ducut, at ang Espesyal na Katuwang ng Pangulo na si Dr. Kristine Y. Opulencia. Kasama rin sa paglada sina Cong. Queenie at Konsehala Charisse, pati na ang mga piling CBB learners na kumatawan sa kanilang pangkat.
Pinangunahan din ng mga opisyal ang pagputol ng laso para sa opisyal na pagbubukas ng bagong silid-aralan na magsisilbing bagong tahanan ng pagkatuto para sa mga CBB learners. Sa pagbubukas nito, hindi lamang kaalaman ang darating, kundi pati na rin ang pag-asa para sa bawat CBB learner.
Ang inisyatibong ito ay patunay na ang fakultad at empleyado ng RTU ay handang ibahagi ang kanilang oras at kaalaman hindi lamang sa mga mag-aaral ng pamantasan, kundi maging sa pamayanan na kinabibilangan ng Pandayang Rizalia. Higit sa paninindigan ng pamantasan sa de kalidad, pantay, at inklusibong edukasyon, ang programang ito ay patunay sa patuloy na pakikipagtulungan ng pamantasan sa iba’t ibang kabalikat nito sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon.
Sa pamamagitan ng RTU Change Behind Bars, inaasahang makababalik sa lipunan ang mga PDL nang mayroong panibagong pagtingin at layunin sa buhay bilang mga produktibo at disiplinadong mamamayan.




