Bilang pakikiisa ng Rizal Technological University (RTU) sa Ease of Doing Business (EODB) Act, tagumpay na inilunsad noong ika-26 ng Agosto ang pagsusuri ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa mga serbisyong inaalok ng pamantasan sa mga mag-aaral, empleyado, at ibang mga panlabas na kliyente.
Bilang isang state university, sinisikap ng RTU na sumunod sa bawat pamantayan at panuntunan na itinatalaga ng pamahalaan. Kabilang rito ang EODB Act o RA 11032, na nagtatakda ng pagpapanatili at pagsasaayos ng mga serbisyo upang maging mas mabilis, bukas sa lahat, at walang red tape o mga hadlang sa maagap na paglilingkot at pagseserbisyo.
Upang siguruhin ang pagsunod at pakikiisa ng Pandayang Rizalia sa magandang adhikain ng batas at ng ARTA, sinuri ng RTU at mga kawani ng ARTA ang mga pangunahing tanggapan na nagbibigay serbisyo sa mga miyembro ng komunidad ng Rizaliano, lalo na ang mga mag-aaral.
Pinangunahan ng Committee on Anti-Red Tape (CART) ng RTU, na pinamumunuan ni Dr. Kristine Y. Opulencia, Ikalawang Pangulo para sa Ugnayang Akademik, ang pagtanggap ng pamantasan sa mga kawani ng ARTA Compliance Monitoring and Evaluation Office na sina Assistant Division Chief Alyssa P. Pamplona at G. Jaime V. Castillo, Jr.
Kabilang sa mga tanggapang binisita ay ang Admissions Office, University Registrar’s Office, Scholarship and Financial Assistance Office, at University Clinic. Bilang mga pangunahing tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa mga mag-aaral, sinuri ng CART at ARTA ang proseso, daloy at tagal ng pagbibigay ng serbisyo, at ang pagkakaroon ng mga tanggapan ng mga kaukulang dokumento katulad ng Citizen’s Charter. Nagkaroon din ng biglaang panayam sa mga kliyente upang matukoy ang kanilang karanasan habang nakikipag-ugnayan sa mga tanggapan.
Binigyang pansin din ng CART at ARTA ang pagkakaroon ng Help Desk na handang tumugon sa mga katanungan ng mga kliyente ukol sa mga serbisyo ng pamantasan at tumanggap ng mga reklamo mula sa mga kliyenteng nakaranas ng hindi maayos na serbisyo mula sa mga kawani ng pamantasan.
Sa pagtatapos ng pagsusuri, lumalabas na natutugunan at nakasusunod ang RTU sa mga panuntunan ng ARTA at ng RA 11032. Bagaman lumalabas na nananatiling matatag ang pundasyon ng paglilingkod ng pamantasan, tiniyak naman ni Dr. Opulencia at ni Dr. Rodrigo DP Tomas, Ikalawang Pangulo para sa Ugnayan at mga Serbisyong Pangmag-aaral, na patuloy na pinagsusumikapan ng pamantasan na pagtibayin ang pagsunod ng mga kawani sa mga pamantayan ng pamahalaan tungo sa mas pinaigting na serbisyo publiko.
Ang pagbisita ng ARTA ay patunay na patuloy ang de-kalidad na serbisyo ng RTU sa mga Rizaliano at mga kliyente nito. Bagaman lumabas na nakasusunod ang pamantasan sa itinatakda ng batas, patuloy pa rin ang pagpapalakas at pagpapaunlad ng RTU sa mga serbisyo at transaksyon nito sa mga kasapi ng komunidad na higit pa sa hinihingi ng batas.

