RTU-ROTC Unit, Pormal nang Nagbukas at Nagsalin ng Pamumuno para sa Taong Panuruan 2026-2027

Kasunod ng pagbubukas ng Taong Panuruan 2026-2027 sa Rizal Technological University (RTU), pormal na ring nagbukas ng taong panuruan ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) noong ika-23 ng Agosto, sa pamamagitan ng Seremonya ng Pagsasalin ng Pamumuno para sa Pangkat MASALIGAN 2026-2027.

Opisyal na nagbukas ang seremonya sa pambungad na mensahe ni Dr. Elmer C. Pascual, Direktor ng National Service Training Program (NSTP) Office, na mainit na binati ang mga mag-aaral at mga panauhin mula sa Philippine Army. Kasunod nito ang pagpapakilala ni MSG Marvin Castillo (SC) PA sa mga mag-aaral ng ROTC. Opisyal namang idineklara ni MAJ Andres Ramirez (OS) PA, Komandante ng RTU-ROTC Unit, ang pagbubukas ng taong panuruan.

Kasabay ng seremonya ay ang promosyon para sa mga Opisyal na Kadete sa pamumuno ni Sgt. Maria Benjielyn Violenta PA (Res), kasabay ng pagsasalin ng pamumuno ng Komandante ng Pangkat mula kay Sgt John Israel D Rivera PA (Res) tungo kay C/COL Marvin Agustin Pacquiao 1CL.

Upang bigyang inspirasyon ang mga bagong mag-aaral at kadete ng RTU-ROTC, binigyang diin ni MAJ Francis M. Lobaton (MI) PA, Direktor ng 1305th CDC NCRRCDG at Panauhing Pandangal, ang bigat ng tungkulin ng isang reserved officer sa pagpapanatili ng kaayusan sa bansa.

Sa pagtatapos ng seremonya, nagkaroon ng oryentasyon para sa mga bagong kadete ng pangkat MASALIGAN na pinangunahan ni CPL Caesar E. Reyes (Res) PA. Binigyang-diin sa naturang oryentasyon ang kasaysayan ng ROTC at ang kahalagahan ng pagsusulong ng programang ito sa mataas na antas ng edukasyon.

Habang patuloy na hinuhubog ng Pandayang Rizalia ang pang-akademikong kasanayan ng mga mag-aaral nito, patuloy ding pinaiigting ng pamantasan ang puso sa serbisyo ng mga Rizaliano. Sa pamamagitan ng ginanap na seremonya at sa pagsisimula ng bagong taong panuruan, sinisiguro ng NSTP Office at ROTC Unit ang pagpapatuloy ng matibay na pundasyon at diwa ng paglilingkod sa mga mag-aaral na Rizaliano.