Pinagtibay ng Rizal Technological University (RTU) ang kahandaan ng institusyon sa paglipat ng pamumuno sa pamamagitan ng Project T.R.A.N.S.I.T.I.O.N. 2026: Securing the Legacy, Empowering the Future, isang strategic retreat na isinagawa ng Office of the President (OP) Division noong Agosto 6–8, 2026, sa Hotel Casiana , Tagaytay.
Nakatuon ang programa sa pagpapatatag ng mga sistema, proseso, dokumentasyon, at institutional knowledge upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng Unibersidad sa kabila ng pagbabago sa pamunuan. Isinagawa ito bilang bahagi ng paghahanda sa pagtatapos ng termino ni University President Dr. Ma. Eugenia M. Yangco.
Binuo ang programa bilang pagpapatuloy ng ALIGN 2025, na nakatuon sa tactical planning at organizational alignment ng OP Division. Para sa taong ito, higit na binigyang-diin ang sistematikong paghahanda para sa leadership transition, partikular ang pagpapanatili ng institutional memory at continuity of operations.
Tatlong pangunahing layunin ang itinakda para sa retreat: (1) pagbuo ng Office Transition Checklist ng bawat tanggapan sa ilalim ng OP Division; (2) pagtiyak sa tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyo at operasyon ng Unibersidad sa panahon ng transition; at (3) pagpapalakas ng organizational cohesion at professional collaboration sa hanay ng mga kawani.
Kabilang sa mga pangunahing sesyon ang inspirational message ni Dr. Yangco; lecture ni OP Consultant Mr. Al C. Abainza hinggil sa pagbuo ng Office Indorsement Checklist at transition timeline; at training workshop na pinangunahan ni Planning Officer John Peter G. De Leon para sa paghahanda ng Institutional Intelligence Briefing Book bilang suporta sa evidence-based leadership transition. Nagbigay naman ng closing remarks si Atty. Roxanne Lee I. Castro sa ikalawang araw ng programa.
Dumalo sa strategic retreat ang mga direktor at kawani ng iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng OP Division, kabilang ang Chief Executive Assistant, University Chief Legal Counsel, Presidential Communication and Management Office, Records and Archiving Management Unit, Internal Audit Services Office, International Affairs and Linkages Office, at Data Protection Office, bukod sa iba pa.
Bilang pangunahing output ng programa, inaasahang magsusumite ang bawat tanggapan ng Narrative Report at kaukulang Expected Output sa itinakdang deadline na Agosto 10, 2026.
Sa pamamagitan ng Project T.R.A.N.S.I.T.I.O.N. 2026, ipinapakita ng RTU na ang isang epektibong leadership transition ay hindi lamang nakasalalay sa pagpapalit ng namumuno, kundi sa pagpapatuloy ng mga sistemang nagpapatatag sa institusyon, pagpapanatili ng kaalaman, at paghahanda ng organisasyon para sa hinaharap.


