Sa ika-19 ng Agosto, 2025, malugod na sinalubong ng mga opisyal ng Rizal Technological University (RTU) si G. Len Marc Tagud, Auditor mula sa TUV SUD PSB Philippines, Inc. para sa paunang awdit kaugnay ng aplikasyon ng pamantasan para sa sertipikasyon ng ISO 21001:2018. Ang nasabing sertipikasyon ay isang pandaigdigang pamantayan na tumutukoy sa kalidad ng management systems ng mga institusyong pang-edukasyon, patunay na natutugunan ng isang institusyon ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mahusay na pangangasiwa.
Pinangunahan ng Quality Assurance Office (QAO), sa pamumuno ni AO Ma. Lourdes R. Austria, kasama ang mga kawani ng tanggapan, ang representasyon ng pamantasan sa nasabing awdit. Buong puso namang sumuporta ang mga mataas na opisyal ng RTU, tulad ni Dr. Rodolfo L. Ducut, Pangalawang Pangulo para sa Pananalapi at Pangasiwaan (VPFA), at Dr. Salvacion J. Pachejo, Pangalawang Pangulo para sa Pagpaplano, Paseguruhan ng Kalidad, at mga Estratehikong Inisyatiba (VPPQASI), na dumalo sa pagpupulong upang gumabay para sa awdit.
Sinaklaw ng awdit ang pagsusuri sa kakayahan ng pamantasan na magbigay ng de-kalidad n a edukasyon para sa mga programa para sa Junior High School, mga programa sa di-gradwado, at mga gradwadong antas. Kabilang din sa pagsusuri ang mga naisagawang pananaliksik at serbisyong pang-ekstensyon ng pamantasan na nakabatay sa mga polisiya, pamantayan, at alituntunin ng Commission on Higher Education (CHED), Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at iba pang mga ahensyang pang-akreditasyon, tulad ng AACCUP at PTC-ACBET.
Maingat na sinuri ni G. Tagud ang mga dokumento at nagsagawa ng masusing panayam sa mga taong sangkot sa mga proseso ng pamantasan na may kinalaman sa awdit. Inikot din para sa awdit ang mga pasilidad ng RTU upang tiyakin na handa ang mga kagamitan ng pamantasan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Bukod rito, tinalakay din nila ang mga paghahanda para sa ikalawang yugto ng audit, na magiging mahalaga para sa pagtamo ng layunin ng sertipikasyon.
Ang awdit na ito ay isang kritikal na hakbang patungo sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon na ibinibigay ng Pandayang Rizalia at ang pagtutok sa pagsunod sa mga internasyonal na pamantayan hinggil sa mga institusyong pang-edukasyon. Sa pamamagitan ng hakbang na ito, mapatutunayan ng RTU ang tunay na husay nito sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga Rizaliano. Higit pa rito, ang pagnanais ng pamantasan na makamit ang sertipikasyon na ito ay sumasalamin sa pagnanais nito na palakasin ang mga proseso nito bilang isang institusyon ng edukasyon.
