Malugod na tinggap ng Kolehiyo ng Edukasyon (CED) ng Rizal Technological University (RTU), sa pangunguna ni Dekana Dr. Wendelyn A. Samaritaq ang Regional Quality Assurance Team (RQAT) mula sa Commission on Higher Education (CHED) NCR noong Agosto 11, 2025 sa RTU Mandaluyong Main Campus. Ginanap ang pagsusuri upang kumpirmahin ang pagsunod ng bawat programa sa mga itinakdang pamantayan ng komisyon kaugnay sa aplikasyon ng pamantasan upang muling magawaran ng mga Certificate of Program Compliance (COPC).
Kabilang sa mga sinuri ng RQAT ay ang mga programang: Doctor of Philosophy in Technology Education, Master of Arts in Education Management, Master of Arts in Instructional Technology, Master of Arts in Mathematics Education, at Master of Arts in Science Education.
Ang delegasyon ng RQAT na ipinadala ng CHED ay itinalaga ng komisyon upang busisiin ang kabuuang kalidad ng programa nang higit pa sa pagsilip sa kurikulum nito. Ang lupon ay pinangunahan ng mga Technical Evaluator na sina Dr. Allen U. Bautista, Dr. Larry A. Elipane, kasama ang NCR QAT member na si Dr. Victoria Naval, CHED NCR Education Supervisor II na si Ms. Ma. Kripper N. Valmonte, at Education Program Specialist I na si Ms. Pamela R. Llamendo.
Dumalo rin sa inspeksyon ang mga opisyal at miyembro ng fakultad ng RTU CED, sa pangunguna ni Dr. Salvacion J. Pachejo, Pangalawang Pangulo para sa Pagpaplano, Paseguruhan ng Kalidad, at Estratehikong Inisyatiba (VPPQASI), kasama sina AO Malou Austria, Direktor ng Quality Assurance Office (QAO), Dr. Jayvie Guballo, kawani ng QAO, at mga opisyal ng CED na sina Dr. Nilmar I. Moreno, Puno ng Curriculum Review Commitee; Dr. Liberty Gay C. Manalo, Program Head ng Master of Arts in Mathematics Education; Dr. Melvin Ambida, Direktor ng University Curriculum and Instruction Office, at Instr. Bobby Cauilan, Direktor ng Silid-Aklatan ng RTU.
Layunin ng pagsusuring ito na mapanatili ang kalidad ng edukasyon na inaalok ng pamatasan at matiyak na sumusunod ang mga programa sa regulasyon upang mapahusay ang karanasan ng mga mag-aaral. Ang pakikiisa ng Pandayang Rizalia sa inspeksyon at ebalwasyon ng CHED-NCR, sa pamamagitan ng RQAT, ay patunay lamang ng pagsunod ng pamantasan sa mga alituntunin at regulasyon ng pamahalaan. Higit pa sa pagnanais ng RTU na makamit muli ang mga COPC ng mga programa nito, bukas din ang pamantasan sa mga pagsusuri na nagpapalakas ng mga programa nito, lalo na sa larangan ng pang-akademiko.
