Pandayang Rizalia, Pasado sa Pagsusuri ng Anti-Red Tape Authority 

Agosto 11, 2025 — Sa pangunguna at representasyon ng Committee on Anti-Red Tape (CART) ng Rizal Technological University (RTU), sumailalim at pumasa sa inspeksyon ng Anti-Red Tape Act (ARTA) ang pamantasan, partikular na ang mga tanggapan ng Health Services Unit (HSU) at Student Records and Admissions Unit (SRAU).


Nilalayon ng pagsusuri na kumpirmahin ang pagsunod ng pamatasan sa mga patakaran at alituntunin ng ARTA. Upang patunayan ang paninindigan ng pamantasan sa transparency at accountability, pinangunahan ni Dr. Magno M. Quendangan, Puno ng Komite at Pangalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Inobasyon, at mga Serbisyong Pang-ekstensyon (VPRIES), ang pagrepresenta sa pamantasan, kasama ang iba pang mga miyembro ng komite.


Nagsimula ang inspeksyon sa pagtanggap ng CART sa delegasyon ng ARTA para sa panandaliang pagpupulong bago ang pagpunta sa mga tanggapan ng HSU at SRAU upang magsuri. Kasunod na nito ang pagsusuri ng ARTA sa HSU ukol sa mga proseso ng pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan ng pamantasan sa mga mag-aaral at empleyado. Nilinaw ang daloy ng proseso at mga kinakailangang dokumento na dapat ipakita ng mga kliyente upang makuha ang serbisyo ng HSU.


Sa pagbisita naman sa SRAU, inalam ng ARTA ang solusyon ng tanggapan sa mga kaso ng alumni na nawalan ng diploma dahil sa sunog, baha, at iba pang mga kalamidad. Sinuri rin ang mga pangkaraniwang proseso ng tanggapan para sa mga mag-aaral at alumni na nanghihingi ng kanilang mga dokumento.


Sumailalim din sa pagsusuri ang Public Help Desk ng pamantasan na siyang tumatanggap ng mga katanungan ng mga mag-aaral upang sila ay magabayan sa mga serbisyong ibinibigay ng pamantasan. Kinapanayam din ang kawaning nakatalaga sa complaint’s desk na siyang tatanggap ng mga reklamo ng mga kliyente ukol sa mga serbisyo ng pamantasan.


Binigyang diin din ng pagsusuri at ng ARTA ang pagkakapaskil ng Citizen’s Charter ng pamantasan sa bawat opisina at maging sa website ng pamantasan. Dahil sa pagsunod ng RTU sa pamantayang ito, binigyang puri ng delegasyon ng ARTA ang pamantasan, kasabay na rin ang maayos at maagap na proseso ng mga tanggapan.


Sa pagtatapos ng pagsusuri, lumabas na patuloy na nakasusunod ang Pandayang Rizalia sa mga pamantayan ng ARTA sa maayos, maagap, at walang purnadang pagseserbisyo sa mga kliyente nito, lalo na sa mga mag-aaral na Rizaliano.


Ang pakikiisa ng pamantasan sa naganap na pagsusuri ay patunay ng pagsasabuhay ng RTU sa integridad na isa sa mga core values nito. Higit pa rito, ito ay pagpapakita ng dedikasyon ng pamantasan na panatilihin ang antas ng kalidad ng serbisyong pampubliko nito. Serbisyong pampubliko man, kahusayan sa pamamahala, o mga serbisyong nakatuon sa mag-aaral, layon ng RTU na patunayan ang husay nito sa pamamagitan ng pagsunod sa iba’t ibang pamantayan na sumasaklaw dito.