Pandayang Rizalia, Sumailalim sa 2025 Management Review upang Suriin at Palakasin ang Kakayahang Institusyonal

Lungsod ng Mandaluyong — Bilang bahagi ng patuloy na pagtutok sa kalidad, estratehikong pagpaplano, at pagpapaunlad ng institusyon, isinagawa ng Rizal Technological University (RTU) ang dalawang araw na Management Review noong Agosto 5–6, 2025, sa SNAGAH Bldg. Penthouse, RTU Mandaluyong Main Campus.

Bilang tugon sa pangangailangan na masuri ang kasalukuyang pamamahala ng iba’t ibang dibisyon ng pamantasan, dumalo sa pagtitipon ang mga dekano at dekana ng mga kolehiyo, mga direktor ng mga tanggapan at surina, at mga pinuno ng iba’t ibang yunit ng pamantasan. Ang pagpupulong ay pinangunahan ng mga pangunahing opisyal ng pamantasan na sina Pangulong Dr. Ma. Eugenia M. Yangco; Pangalawang Pangulo para sa Pagpaplano, Paseguruhan ng Kalidad, at mga Estratehikong Inisyatiba (VPPQASI) Dr. Salvacion J. Pachejo; Pangalawang Pangulo para sa Pananalapi at Pangasiwaan (VPFA) Dr. Rodolfo L. Ducut; at Pangalawang Pangulo para sa Pananaliksik, Inobasyon, at mga Serbisyong Pang-ekstensyon  (VPRIES) Dr. Magno M. Quendangan.  

Ang isinagawang pagsusuri sa institusyon, na inisyatibo ng Tanggapan ng Paseguruhan ng Kalidad (QAO) sa pamumuno ni AO Ma. Lourdes Austria, ay naglayong suriin ang kasalukuyang kalagayan ng pamantasan batay sa mga performance metrics, pag-unlad ng mga programa, at pagtukoy sa mga susunod na hakbang tungo sa tuloy-tuloy na pagpapabuti ng institusyon.

Sinimulan ang unang araw ng review sa pagbabalik-tanaw sa nakaraang katitikan ng pulong at status updates, na sinundan ng muling pagsusuri sa SWOT (Strengths, Weaknesses, Opportunities, and Threats) na pinangunahan ni AO Austria. Kasunod nito ay ang mga presentasyon ng iba’t ibang mga kawani at direktor ukol sa estado ng kani-kanilang mga tanggapan.

Inilahad ni Dr. Jayvie Guballo, kawani ng QAO, ang pagsusuri sa kabuuang performance ng sistema gamit ang datos upang mas maunawaan ang operasyon ng pamantasan. Tinalakay rin ang mga resulta ng mga sarbey at feedback, kabilang ang para sa SFAU na inilahad ni Instr. Rhoda Malabanan at ang ulat ng Konseho ng mga Mag-aaral ni G. Joshua Regndrei Verzo na kinatawan ng kanyang Pangalawang Pangulo.

Kasunod nito ay ang presentasyon ng Agency Performance Commitment Review (APCR) na inilahad ni Dr. Ella Aragon ng Tanggapan ng Pagpaplano, at ang pangkalahatang pagsusuri sa implementasyon ng mga Standard Operating Procedures (SOPs) na ipinaliwanag ni G. Michael Yap, Direktor ng RMO. Inilahad din ni AO Austria ang buod ng mga nagdaang awdit na nagsilbing gabay sa mga nararapat pagtuunan ng pansin para sa pagsunod sa mga polisiya at pagpapabuti ng mga prosesong pang-administratibo.

Tinalakay rin ang pagsusuri ng mga outsourced services na ipinresenta nina Dr. Jaevier Villanueva ng MISO, Instr. Emmanuel Taruc ng GSO, at Instr. Jayson Denaga ng CSO. Binuksan din nina Dr. Rizaldy Garcia ng URRIO at Gng. Emmanuelle Santiago ng CASU ang usapin sa mga trend sa academic performance ng pamantasan.

Ang ikalawang araw ng rebyu ay umikot sa mga usaping operasyonal at pangkaunlaran. Inilahad ni AO Cyrus Tuazon, Direktor ng SPMO, ang pagsusuri sa kasapatan ng kagamitan, materyales, at pondo, habang tinalakay naman ni CAOF Rowell Marasigan ang mahahalagang isyu sa pananalapi. Tinalakay din ng mga Executive Assistant ng mga Pangalawang Pangulo ang mga estratehiya sa pamamahala ng panganib at oportunidad na nauna nang natukoy sa mga nagdaang inisyatibo, at kung paano natugunan ang mga ito. Ito ay sinundan ng presentasyon ng mga kasalukuyang hakbang ng pagpapabuti at mga planong panghinaharap mula sa mga Pangalawang Pangulo.

Bilang pagtatapos, inilahad ni Assoc. Prof. Dyneghre Casasola-Villavicencio ang ulat ukol sa pagiging epektibo ng mga pagsasanay at mga puwang sa kakayahan na nagbigay-diin sa mga kinakailangang hakbang upang mapaunlad ang kasanayan ng mga kawani at mapataas ang kalidad ng serbisyo.

Ang komprehensibong Management Review na ito ay nagpapatibay sa dedikasyon ng RTU sa pagkakaroon ng pananagutan, paggawa ng mga desisyon na nakabatay sa datos, at tuloy-tuloy na pag-unlad ng institusyon. Sa pag-usad ng pamantasan, inaasahang magiging gabay ang mga natuklasan sa rebyu sa paghubog ng mga estratehikong direksyon at pagpapatibay ng kahusayan sa operasyon ng unibersidad.