Quezon City — Lumahok ang Research, Development, and Innovation Office (RDIO) ng Rizal Technological University (RTU) sa isang mahalagang pambansang forum hinggil sa mga isyu sa kapaligiran at pagbabago ng klima na ginanap noong Agosto 6, 2025, sa Heyden Hall Manila Observatory, Ateneo de Manila University. Dumalo sa hybrid conference ang mga RDIO Research Analyst na sina G. Jan Raven N. Aspacio at G. John Tristhan Exequiel, kasama ang iba’t ibang kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan, akademya, komunidad ng agham, at mga organisasyong sibiko.
Pinangunahan ng Department of Science and Technology – National Capital Region (DOST-NCR) at Philippine Association for the Advancement of Science and Technology (PhilAAST) ang pagtitipon sa ilalim ng temang “Facing Environmental Challenges and Climate Change in the Philippines: Future Actions in Line with Pagtanaw 2050.”
Bilang ikatlong yugto sa serye ng pambansang talakayan ukol sa PAGTANAW 2050, ang kauna-unahang pambansang Strategic Foresight para sa Agham, Teknolohiya, at Inobasyon (STI) na binuo ng National Academy of Science and Technology (NAST), tinalakay sa forum ang mga isyu sa kapaligiran at pagbabago ng klima, na kabilang sa pinakamapanganib at pinakapinaghahandaang hamon para sa pangmatagalang kaunlaran ng bansa. Dahil sa lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire at typhoon belt, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang lubhang bulnerable sa epekto ng pagbabago ng klima, gaya ng bagyo, pagbaha, lindol, at pagsabog ng bulkan, na lalo pang pinapalala ng mga gawaing pantao tulad ng malawakang pagtotroso, pagkasira ng lupa, at pagkawala ng biodiversity. Layunin ng forum na magtaguyod ng isang estratehiko at nagkakaisang pamamaraan upang tugunan ang mga hamong ito, na naaayon sa 12 operational areas ng PAGTANAW 2050 at alinsunod sa mga pambansang layunin na itinakda ng 1987 Konstitusyon at Ambisyon Natin 2040.
Nagbigay naman ng pambungad na mensahe si G. Fortunato “Boy” De la Peña, LL.D., D. Tech., dating Kalihim ng DOST, kasalukuyang Pangulo ng PhilAAST at University Researcher sa RTU, kung saan tinalakay niya ang kasalukuyang kalagayan ng kapaligiran at pagbabago ng klima at ipinahayag ang bisyon ng PAGTANAW 2050. Ibinahagi naman ni Assistant Secretary Romell Antonio Cuenca, Deputy Executive Director ng Climate Change Commission, ang apat na pangunahing salik na nagpapalala sa epekto ng pagbabago ng klima sa Pilipinas at iniulat ang ₱21 bilyong pinsala sa agrikultura na dulot ng magkakasunod na super typhoon na sina Kristine, Leon, Nika, Ofel, at Pepito na nanalasa sa loob lamang ng isang buwan.
Samantala, tinalakay ni Undersecretary Carlos Primo C. David, PhD, ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang integrasyon ng flood control at suplay ng tubig, kabilang ang mga proyekto ng DPWH sa river dike, at iminungkahi ang pagtatayo ng mababang dam para sa inuming tubig, patubig, at kontrol sa pagbaha sa mas mababang gastos. Kabilang din sa kanyang presentasyon ang mga potensyal na lugar para sa pamumuhunan sa mga proyektong may kaugnayan sa carbon, agroforestry, agrikultura, pastulan, forest crops, renewable energy, at ecotourism gamit ang object-oriented image classification mula sa remote sensing data na pinatutunayan ng mga regional office ng DENR.
Bilang isang teknolohikal na pamantasan, ang pagdalo at pakikiisa ng RTU sa mga pagtitipon na nauukol sa mga usaping pang-agham tulad ng pambansang forum na ito ay isa sa mga mahahalagang hakbangin upang palawakin ang kamalayan ng pamantasan sa mga isyung panlipunan. Naniniwala ang pamantasan na ang husay at pagka dalubhasa ng mga Rizaliano sa agham ay hindi lamang naiiwan sa apat na sulok ng pamantasan kundi dapat ding gamitin upang iangat ang lipunan. Sa pamamagitan ng RDIO, nananatiling tapat ang RTU sa tungkulin nito sa lipunan at sa mundo na gamitin ang husay upang mag-ambag sa mga isyu ng klima at kapaligiran na nakakaapekto sa mga mamamayan.
