Mga Koreanong Exchange Students ng RTU, Nakaranas ng Mobility Program sa Colegio de San Juan de Letran-Calamba

Kasama ang delegasyon ng tatlong kinatawan ng Rizal Technological University (RTU) at anim na mag-aaral mula sa Gimcheon University ng South Korea, nagsagawa ng isang mobility program ang Extension and Community Services Office (ECSO) at International Affairs and Linkages Office (IALO) katuwang ang Colegio de San Juan de Letran-Calamba, noong ika-13 ng Agosto 2026.

Ang Mobility Program ay isang lakbaying nahati sa limang yugto: USAP, MASID, LASAP, LIBOT, at CALAMBAYANI, na nakaangkla sa programang pang-ekstensyon na “BRIDGEWords: Foundational English Language and Intercultural Communication Training Program for Foreign School Partners,” na naglalayong palakasin ang ugnayan ng RTU sa mga katuwang na institusyon sa ibang bansa, itaguyod ang komunikasyong interkultural, at magbigay ng makabuluhang pagkakataon para sa pagpapalitan ng kaalaman, kultura, at karanasan.

Mainit na tinanggap ng Colegio de San Juan de Letran ang delegasyon ng RTU sa pamamagitan ng mensahe ng pagtanggap mula kay Rev. Fr. Roman L. Santos, Rektor at Pangulo ng Colegio. Malugod ding nagpasalamat ang RTU sa pagpapaunlak ng Colegio, sa pamamagitan ng mensahe mula kay Assoc. Prof. Donato Z. Estocada, Direktor ng IALO.

Bilang unang yugto ng programa, ginanap ang “USAP: Candid Chat with Student Leaders,” isang talakayan tungkol sa pamumuno ng mga mag-aaral kasama ang mga opisyal ng Recognized Student Organizations (RSO) mula sa Colegio. Naging pagkakataon ito para sa mga internasyonal na mag-aaral na makipagpalitan ng pananaw at karanasan sa mga lider-estudyante ng Colegio de San Juan de Letran-Calamba, lalo na hinggil sa buhay mag-aaral, pamumuno, at pakikilahok sa mga organisasyon sa loob ng pamantasan.

Sinundan ito ng “MASID: Classroom Observation” kung saan nagkaroon ang mga internasyonal na mag-aaral ng pagkakataong masaksihan ang aktuwal na klase sa Senior High School at College. Layunin ng gawaing ito na mabigyan sila ng mas malinaw na pag-unawa sa kalagayan at pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto sa isang institusyong pang-edukasyon sa Pilipinas.

Sumunod na yugto ang “LASAP: HM Laboratory Visit with Cooking Session and Lunch” kung saan bumisita ang mga mag-aaral sa Hospitality Management Laboratory at nakilahok sa isang cooking session kung saan kanilang naranasan ang paghahanda ng pagkain sa paraang Pilipino sa ilalim ng paggabay ni Dr. Carmel H. Hemedez. Bukod sa pagpapalitan ng kaalaman sa larangan ng hospitality management, naging pagkakataon din ito upang higit na makilala at mapahalagahan ng mga internasyonal na mag-aaral ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagkain at tradisyonal na pamamaraan ng pagluluto. 

Matapos ang nakabubusog na yugto, isinagawa naman ang “LIBOT: Campus Tour.” Sa pangunguna ng Student Services Department at mga RSO, nilibot ng mga internasyonal na mag-aaral ang kampus ng Colegio upang magkaroon sila ng pagkakataong makita at makilala ang mga pasilidad at kapaligirang sumusuporta sa pagkatuto at buhay ng mag-aaral sa loob ng institusyon.

Bilang huling bahagi ng paglalakbay, nagkaroon ng “CALAMBAYANI: Guided Tour of Rizal Shrine.” Sa pamamagitan ng guided tour na pinangunahan ng mga Dambana Volunteers, nabigyan ang mga internasyonal na mag-aaral ng pagkakataong higit na makilala ang buhay, mga nagawa, at pamana ni Dr. Jose P. Rizal, isang mahalagang bahagi ng kasaysayan at pambansang identidad ng Pilipinas. Ang pagbisita ay nagsilbing makabuluhang paraan upang maiugnay ang intercultural learning sa kasaysayan at pamanang Pilipino.

Sa kabuuan, ang Mobility Program ay naging isang makabuluhang karanasang pang-akademiko, pangkultura, at panlipunan para sa anim na internasyonal na mag-aaral mula sa Gimcheon University. Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, nagkaroon sila ng mas malalim na pag-unawa sa sistema ng mataas na edukasyon, buhay-estudyante, kultura, pagkain, kasaysayan, at pamanang Pilipino.

Sa huli, ang matagumpay na pagsasagawa ng Mobility Program ay nagpatibay sa pangako ng RTU na isulong ang mga programang nagbibigay ng oportunidad para sa internasyonalisasyon, intercultural learning, student mobility, at makabuluhang pakikipagtulungan sa mga pandaigdigang katuwang. Naging mahalagang bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng Pamantasan na makapagbigay ng mga karanasang nag-uugnay sa akademikong pagkatuto, kultura, kasaysayan, at aktuwal na pakikipag-ugnayan sa komunidad.