Kagawaran ng Filipino, nakipamuhay sa komunidad ng Dumagat sa Gen. Nakar, Lalawigan ng Quezon

Nagsagawa ng pakikipamuhay sa komunidad ng mga Katutubong Dumagat sa Sitio Maksa, Brgy. Marcelino, Gen. Nakar, Quezon noong Abril 24-26, 2026 ang 15 mag-aaral ng BSE-Filipino mula sa  Kolehiyo ng Edukasyon ng Rizal Technological University (RTU), kasama sina Instr. Aira F. Mitra, Puno ng Kagawaran ng Filipino, at Instr. Jaymark A. Monforte, kasaping fakulti. 

Ang pakikipamuhay ay bahagi ng pangangailangan sa kursong GE-ELEC3: Mga Katutubong Komunidad ng Pilipinas. Ang gawain ay umikot sa temang HABI: Haka at Binhi ng Kasarian sa Kultura ng mga Dumagat na naglalayong iparanas ang pamamaraan ng pamumuhay ng mga katutubo sa bansa, at silipin ang diskurso ng kasarian sa komunidad. 

Kasama sa gawaing pakikipamuhay ang pakikipagkuwentuhan sa mga katutubo upang maunawaan ang gawi ng pamumuhay na sinasalamin ng kanilang wika, panitikan at kultura.

Tinitingnang mahalaga ang gawaing ito para sa mga susunod na guro sa Filipino upang mahubog sa kanila ang pagpapahalaga, pagmamalaki at pagmamalasakit sa mga katutubo sa bansa.

Bilang isang institusyong naniniwalang hindi nakukulong sa silid-aralan ang karunungan at pagkatuto, buo ang suporta ng RTU sa mga gawaing tulad ng pakikimuhay upang hubugin ang panlipunang kamalayan ng bawat mag-aaral na Rizaliano.