DBM, Bumisita sa RTU para sa Ocular Inspection at Midyear Agency Performance Report

Mainit na tinanggap ng Rizal Technological University (RTU) ang mga kawani ng Department of Budget and Management (DBM) noong ika-19 ng Agosto, 2025 para sa pagsusuri ng mga matagumpay at paparating na procurement projects, at resulta ng Midyear Agency Performance Review (APR) ng pamantasan.

Sa pangunguna ng mga kawani ng DBM na sina Bb. Kristine Joy E. Dojeno, Supervising Budget and Management Specialist, at Bb. Aileen A. Walath, Budget and Management Specialist II, kasama ang mga piling opisyal ng pamantasan, matagumpay na naisagawa ang pagikot at pagsusuri sa mga proyekto ng RTU na pinaglaanan nito ng pondo mula taon 2020 hanggang 2024. Maagap na ginabayan at inalalayan ng mga opisyal ng RTU ang pagiikot at pagsusuri ng mga kawani ng DBM. Kabilang sa mga sinuri ay ang mga makinaryang binili ng Pandayang Rizalia para sa mga mag-aaral ng Engineering courses, mga ICT equipment na ginagamit ng mga mag-aaral at fakultad, at mga proyektong pang-imprastraktura ng pamantasan.

Kasabay ng inspeksyon, iniulat din ang resulta ng Midyear APR ng pamantasan kung saan lumalabas na maayos ang pangangasiwa ng RTU sa pananalapi nito at nasusunod ng pamantasan ang mga pamantayan ng DBM. Binigyang linaw din ng mga kawani ng departamento ang ilang mga pamantayan nito, kasabay ang pagbabahagi ng ilang paalala sa mga dapat pagtuunan ng pansin ng mga kawani ng pamantasan upang mapanatili ang kalidad ng pangangasiwa nito.

Bukod sa mga usapin sa pangangasiwa ng pananalapi, tinalakay din ang kasalukuyang tagumpay ng Pandayang Rizalia sa mga pamantayang nakaukol sa pang-akademikong gawain, pananaliksik, at mga programang pang-ekstenyon. Sa mga sukat na ito, patuloy ang pagpapalakas ng pamantasan sa kakayahan ng mga fakultad nito para sa pananaliksik habang patuloy namang malakas ang mga pang-akademikong gawain ng pamantasan at ang pagsasagawa ng Pandayang Rizalia sa mga programang pang-ekstensyon nito.

Ibinahagi rin sa talakayan ang mga catch-up plans ng RTU upang mahabol ang tagumpay nito sa mga pamantayang binalangkas ng DBM. Bahagi ito ng kagustuhan ng Pandayang Rizalia na mapanatiling maayos ang pagtugon nito sa mga pangangailangan ng pamantasan at sa pagsunod nito sa mga pamantayan ng pamahalaan.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagtupad ng RTU sa pangako nito na maging bukas at accountable sa pangangasiwa nito sa mga yamang pananalapi at sa pagsunod sa mga pamantayang ipinapatupad ng pamahalaan. Sa pakikipagtalakayan ng mga opisyal ng Pandayang Rizalia sa mga kawani ng DBM, patuloy na pinalalakas ng pamantasan ang kakayahan nito sa pangangasiwa bilang isang institusyon.