AI-Powered Chat Avatars ng RTU, Inilunsad na; Boni at Pas, Ipinakilala bilang mga Mukha ng RTU PIDAS

Noong ika-24 ng Agosto, pormal nang inilunsad ng Rizal Technological University (RTU) ang inobatibo nitong paraan ng pagpapalakas ng serbisyo publiko ng pamantasan—ang RTU Public Information Digital Assistance System o RTU PIDAS—isang plataporma na pinapagana ng Artificial Intelligence na dinesenyo upang magbigay kasagutan sa mga tanong ng mga kasapi ng komunidad ukol sa mga serbisyo o mga impormasyon tungkol sa RTU.

Kasabay ng Seremonya ng Pagtataas ng Watawat para sa Buwan ng Agosto, inilunsad ng RTU ang pinakabago nitong proyekto upang palakasin ang pagbibigay nito ng serbisyo sa komunidad ng mga Rizaliano. Ang platapormang ito ay bunga ng pagtutulungan ng RTU at ng EmoticoreAI tungo sa mas pinalakas na pakikipag-ugnayan ng RTU sa mga stakeholders nito. Bilang isang chatbot na pinagagana gamit ang AI, kayang sagutin ng RTU PIDAS ang mga katanungan ng mga mag-aaral, magulang, empleyado, at maging ng publiko tungkol sa kahit anong impormasyon o serbisyo ng RTU.

Sa paglulunsad ng RTU PIDAS, ipinakilala rin ng RTU sina Boni at Pas na siyang magiging mukha ng RTU PIDAS. Sina Boni at Pas ay mga karakter na binuo at dinisenyo ni G. Reynaldo Lizada Jr., isang alumnus ng RTU mula sa Bachelor of Technical-Vocational Teacher Education major in Animation program ng pamantasan at ngayon ay kawani na ng University Public Affairs Office ng RTU.

Kasalukuyang makakausap o maa-access ang RTU PIDAS sa pamamagitan ng pagbisita sa opisyal na website ng RTU. Para sa mga katanungan ukol sa Mandaluyong Campus ng RTU, maaaring piliin si Boni, samantalang si Pas naman ang nakatalagang sumagot ng mga katanungan ukol sa Pasig Branch ng RTU. Maaari ring mamili ang mga stakeholders ng wikang gagamitin sa pakikipag-usap nina Boni at Pas, na nagpapakita ng pagiging ingklusibo ng plataporma.

Binanggit naman ng mga opisyal ng pamantasan na kasalukuyan pang pinaiigting ang kaalaman ng RTU PIDAS upang mas matugunan nito ang bawat katanungan ng mga Rizaliano.

Sa paglulunsad ng RTU PIDAS, hindi lamang pinalalakas ng RTU ang paglilingkod nito sa publiko at sa komunidad ng mga Rizaliano. Higit din nitong pinakikita ang epektibong paggamit ng mga makabagong teknolohiya—lalo na ang AI—sa pagpapaunlad ng mga institusyong umiiral sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng RTU PIDAS, Boni, at Pas, mas nailalapit ang serbisyo ng pamantasan sa mga stakeholder nito.