Mga Pre-Service Teachers ng RTU College of Education, Nanumpa ng Kanilang Dedikasyon sa PST Pinning Ceremony 2026

Pormal nang nagsimula ang pagsasanay ng mga pre-service teachers (PST) ng Rizal Technological University (RTU) matapos nilang manumpa sa isinagawang Pinning Ceremony na pinangunahan ng College of Education (CEd) ng pamantasan, noong ika-27 ng Agosto.

Sa ilalim ng temang “The Pin of Commitment: Upholding Inclusivity, Gender Sensitivity, and Child-Safe Learning Spaces”, kinilala ng mga mag-aaral ng CEd sa ikaapat na taon ang responsibilidad ng pagiging isang nagsasanay na guro at taimtim na nanumpa sa kanilang tungkulin bilang mga Teaching Interns sa iba’t ibang paaralan na katuwang ng RTU.

Nagsimula ang seremonya sa isang taimtim na misa na pinangunahan ng San Roque Church bilang paghingi ng paggabay ng Poong Maykapal sa panibagong tungkulin at mga hamon na kahaharapin ng mga PST sa kanilang pagiging intern.

Nag-abot din ng isang inspirasyonal na mensahe si Dr. Kristine Y. Opulencia, Ikalawang Pangulo para sa mga Ugnayang Pang-Akademik, para sa mga PST. Ayon sa kanya, walang pangambang kahaharapin ng mga PST ang kanilang pagsasanay dahil sa mga suportang inilaan ng pamantasan. Tiniyak ng ikalawang pangulo na handa ang RTU at ang CEd sa patuloy na paggabay sa mga nagsasanay na guro. Buo rin ang tiwala ni Dr. Opulencia na handa ang mga katuwang na paaralan sa pagpapatibay ng pundasyon ng kaalaman at kasanayan ng mga PST.

Upang pagtibayin ang loob ng mga PST, nagbahagi ng kanyang karanasan si G. Bryan Mackell M. Austria, alumnus ng RTU at guro sa Rizal High School, na nagpa-alala na iba ang karanasan sa loob ng paaralan bilang mag-aaral kumpara sa karanasan bilang isang guro. Aniya, daranasin na ng mga nagsasanay ng guro ang mga hamon ng realidad sa silid-aralan tulad ng maingay na klase, mga problemang personal ng mga mag-aaral na nakaaapekto sa pag-aaral nito, at iba pang mga hadlang sa tuloy-tuloy na pagkatuto. Ngunit, pinaalala rin ni G. Austria na ang mga guro ng CEd ay palaging nakaagapay sa mga nagsasanay na guro habang inaalala at kinikalala ang mga gurong dati nang gumabay sa kanyang paglalakbay noong isa pa siyang mag-aaral sa RTU.

Kasunod ng mensahe ni G. Austria, pinagtibay ng CEd at ng mga PST ang kanilang gampanin sa pamamagitan ng paglalagay ng pin sa mga uniporme ng mga mag-aaral. Malugod na ikinabit ng mga Puno ng Kagawaran ang mga pin sa kani-kanilang mga mag-aaral bilang tanda ng kanilang paggabay sa mga PST.

Higit sa isang name tag, sinisimbolo ng mga pin ang dedikasyon at panunumpa sa tungkulin ng mga nagsasanay na guro. Para sa kanila, tanda ng kanilang patuloy na pagtalima sa adhikain ng pagiging guro ang maliit na piraso ng metal sa kanilang dibdib.

Upang lalong pagtibayin ang panunumpa ng mga PST, sinindihan din ng mga Puno ng Kagawaran ang mga kandila ng mga mag-aaral, na sumisimbolo sa kanilang patuloy na pagliliwanag ng landas para sa mga susunod na henerasyon ng mga guro. Kasunod naman nito ang seremonya ng panunumpa ng mga nagsasanay na mga guro, kung saan pinanumpaan ng mga PST ang kanilang pagtaguyod sa adhikain at karangalan ng RTU at ng CEd, pagsunod sa Code of Ethics ng mga guro, at pagsasakatuparan ng katungkulan ng pagiging isang PST. 

Higit sa isang seremonya, pinatunayan ng Pinning Ceremony ang patuloy na dedikasyon ng RTU at CEd sa paghubog ng mga responsableng mamamayan sa katayuan ng bagong henerasyon ng mga guro na inaasahang maglilingkod sa bayan sa pamamagitan ng edukasyon. Mula sa paglagak ng pin sa mga uniporme ng mga PST hanggang sa kanilang pagtatapos, maaasahang nakaagapay ang pamantasan at ang kolehiyo para mga guro ng hinaharap.