RTU Bumisita sa Batangas State University para Pag-usapan ang Paghahanda sa Darating na IRCIEST

Noong ika-14 ng Agosto 2025, bumisita ang Rizal Technological University (RTU) sa Batangas State University (BatSU) upang pag-usapan ang mga paghahanda para sa 7th International Research Conference on Innovations in Engineering, Science, and Technology (IRCIEST). Idinaos ang pagpupulong sa BatSU Research Conference Room bilang bahagi ng patuloy na koordinasyon ng dalawang institusyon para sa matagumpay na pagdaraos ng prestihiyosong conference.

Ang Batangas State University, The National Engineering University, ay nasa ikapitong edisyon na ng IRCIEST, na layong magsilbing plataporma para sa pagpapalitan ng makabagong ideya at pananaliksik sa larangan ng inhenyeriya, agham, at teknolohiya.

Mula sa RTU, dumalo sina Dr. Magno M. Quendangan, Vice President for Research, Innovation, and Extension Services; Assoc. Prof. John Eric O. Estrellado, Direktor ng Research, Development, and Innovation Office; Instr. Cheryl Lyn Ayuste, RDIO Deputy Director; Dr. Ryan Manuel Guido, Direktor ng Data Privacy Office; at Asst. Prof. Nida Alcantara, kinatawan ng RDIO.

Mula naman sa BatSU, nakipagpulong si Dr. Rosenda A. Bronce, Direktor para sa Pananaliksik, na naglahad ng mga mahahalagang detalye hinggil sa daloy ng kumperensya, mga temang pagtutuunan, at mga inaasahang kontribusyon mula sa mga partner institutions tulad ng RTU.

Binigyang-diin sa talakayan ang kahalagahan ng kolaborasyon ng mga unibersidad na may mataas na kakayahan sa pananaliksik upang higit na mapaigting ang kultura ng inobasyon at kaalaman. Tinalakay din ang mga oportunidad para sa pagpapalawak ng akademikong network, pagpapalitan ng ideya, at mas malalim na pagtutulungan sa mga proyektong maaaring umusbong mula sa kumperensya.

Sa pagtatapos ng pagpupulong, kapwa nagpahayag ang RTU at BatSU ng kanilang dedikasyon na gawing matagumpay ang 7th IRCIEST bilang isang makabuluhang akademikong pagtitipon na magdudulot ng positibong epekto sa lipunan at industriya.