Magkatuwang na inilunsad ng Tanggapan ng Ugnayang Pandaigdig at Pakikipag-ugnayan (IALO) at Temasek Polytechnic mula sa Singapore ang isang makabuluhan at puno ng kaalaman na talakayan ukol sa sining. Sa pamagat na “Beyond Boundaries: Panel Discussion – Youth and the Power of Creative Expressions”, binigyan ng dalawang institusyon ng makulay na karanasan ang mga Rizaliano noong ika-7 ng Agosto, 2025, sa RTU Mandaluyong Campus.
Bago ang talakayan, nagkaroon ng pagpirma ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng RTU at Temasek Polytechnic. Pinangunahan ito ng Pangulo ng RTU na si Dr. Ma. Eugenia M. Yangco at Deputy Principal ng Temasek Polytechnic na si Mr. Aw Tuan Kee.
Ang panel discussion ay pinamunuan ni Bb. Georgina Dobson mula sa School of Humanities and Social Sciences ng Temasek Polytechnic, na nagsilbing moderator sa talakayan. Tampok sa programa ang mga piling panelista na sina G. Gino D. Guiuan at Bb. Alexa Toni Perey mula sa Departamento ng Bachelor of Technical-Vocational Teacher Education ng RTU, at si Bb. Nur Aqilah Arman na nagtapos sa School of Design ng Temasek Polytechnic.
Tinalakay ng panel ang kahalagahan ng malikhaing pagpapahayag sa makabagong mundo, ang papel ng cross-cultural collaboration sa paghubog ng mas inklusibo at makabago sa larangan ng sining at disenyo, at ang hinaharap ng industriya ng fashion sa konteksto ng lokal at internasyonal na pananaw. Bukod sa mga temang ito, ibinahagi rin ng mga panelista ang kanilang mga personal na kwento—ang kanilang mga karanasan, hamon, at inspirasyon na humubog sa kanilang pagkatao at propesyon. Ang mga kwentong kanilang naibahagi ay nakapukaw sa kani-kanilang damdamin, lalo na sa mga mag-aaral na nasa ika-4 na taon ng kolehiyo.
Naging tulay ang programang ito upang pagbuklurin ang kulturang Pilipino at Singaporean, patunay na walang makakapigil sa paglikha pagdating sa harap ng sining. Ang sining na nagbibigay kulay sa kani-kanilang buhay at naibahagi sa isa’t isa at magsilbing inspirasyon para sa mas marami pang kolaborasyong internasyonal sa hinaharap.
Sa pamamagitan ng programang ito, napagtulay ang mga kulturang Pilipino at Singaporean, patunay na ang pagkakaiba ng kultura ay hindi hadlang para sa pagkakaisa ng mga bansang may layuning pagyamin ang kamalayang pandaigdig ng mga mag-aaral.
Ang pakikipagtutulungan ng RTU sa Temasek Polytechnic ay bahagi ng mga hakbangin at layunin ng Pandayang Rizalia na paunlarin ang kaalaman ng mga Rizaliano sa iba’t ibang larangan. Pinatutunayan lamang ng pagsasamahang ito na ang Pandayang Rizalia ay nananatiling bukas sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang institusyon sa loob at labas ng bansa para sa kaunlaran ng mga Rizaliano.


