Sa pangunguna ng International Affairs and Linkages Office (IALO) ng Rizal Technological University (RTU), at pakikipagtulungan ng Japan Multicultural Center, International Youth Fellowship (IYF), at Philippine Good News Corps, inilunsad sa Pandayang Rizalia ang programang “Japan Culture Camp: With a Special Orientation for Working Opportunity in Japan”. Ang makabuluhang programa ay ginanap noong ika-anim ng Agosto, 2025 sa SNAGAH bldg. ng RTU, upang ipakilala ang kultura ng mga hapones at magbigay ng oportunidad na makapagtrabaho sa Japan ang mga mag-aaral at alumni na dumalo.
Sa kaniyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni G. Donato Z. Estocada, Direktor ng IALO, ang layunin ng programa na ipakilala at palalimin ang kaalaman ng mga mag-aaral at alumni tungkol sa kultura, tradisyon, at sistema ng pagsulat ng bansang Japan. Ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamantasan na mapalawak ang pandaigdigang pananaw at magbigay ng global na oportunidad sa komunidad nito.
Tampok din sa kagapanang ito ang mga masasayang cultural immersion activities na dala ng Japan Multicultural Center na nagbigay ng pagkakataon sa mga dumalo na sisirin ang mayamang kultura ng mga Hapon. Bukod dito, nagbahagi rin ang Japan Multicultural Center ng mga mahahalagang impormasyon para sa mga nais manirahan at magtrabaho sa Japan. Tinalakay ang iba’t ibang aspeto ng pamumuhay sa nasabing bansa gaya ng pagkain, transportasyon, kultura, at mga karaniwang gawi ng mga Hapones na siyang mahahalagang kaalaman para sa mga nagnanais magtrabaho roon.
Nagkaroon din ng mga interactive activities kung saan sinubukan ng mga kalahok ang mga tradisyunal na pananamit ng mga Hapones, ang sistema ng pagsulat sa Japan sa pamamagitan ng shoda painting, at ang mga tradisyonal na laro sa nasabing bansa.
Ang matagumpay na paglulunsad ng Japan Culture Camp sa RTU ay patunay ng patuloy na pagsuporta ng pamantasan sa mga programang internasyonal na nagpapalawak ng kaalaman, oportunidad, at pagkakaunawaan ng kultura sa pagitan ng mga nagkakaisang bansa. Testamento ito ng pagpapahalaga ng Pandayang Rizalia sa holistikong pag-unlad ng mga Rizaliano na hindi lamang natatapos sa pang-akademikong kaunlaran na dala ng RTU.
