Pandayang Rizalia, Nagsimula nang Maghanda para sa 2025 Awdit ng COA

Pormal nang nagsimula ang paghahanda ng Rizal Technological University para sa taunang awdit na isinasagawa ng Commission on Audit (COA) sa mga ahensya ng gobyerno, kasama na ang mga State Universities and Colleges (SUCs), sa pamamagitan ng Entrance Conference na isinagawa sa ika-5 ng Agosto, 2025.  

Dumalo sa kumperensya ang iba’t ibang kawani ng unibersidad, sa pangunguna ng Pangulo ng Unibersidad, Dr. Ma. Eugenia M. Yangco, kasama ang Pangalawang Pangulo para sa Pananalapi at Pangasiwaan (VPFA), Dr. Rodolfo L. Ducut, upang paghandaan ang awdit pampinansyal para sa taong 2025 at tumayong kinatawan para sa pamantasan. Mainit din nilang tinanggap ang pagdating ng Audit Team na pinangungunahan ni Bb. Cecilia E. Bernales, kasama ang Audit Team Leader na si G. Christian Luis T. Rivero at Audit Member Bb. Jessiebeth A. De Vera.

Tinalakay at binigyang linaw ng Entrance Conference at ng mga kinatawan ng COA ang layunin at mga sasakupin ng awdit, at ang mga kinakailangang isumite ng pamantasan bilang pagsunod sa mga regulasyong pampinansyal at transparency. Nagbigay din ng mga rekomendasyon ang Audit Team sa proseso ng paglalathala ng mga ulat pampinansyal upang mapabilis at mapadali ang paggawa ng mga ulat ng unibersidad kaugnay sa pampinansyal na estado nito.

Isang mahalagang hakbangin ang ginanap na kumperensya tungo sa pagpapatibay ng pamamalakad ng unibersidad sa mga aspetong pampinansyal at administratibo. Higit sa pagtupad sa mandato ng RTU bilang isang SUC at sa mga polisiya ng pamahalaan, ang taunang awdit at ang pakikiisa ng Pandayang Rizalia sa mandato ng COA ay patunay ng maigting na pagnanais ng unibersidad na maging ehemplo ng transparency at mapanatiling bukas ang administrasyon ng unibersidad sa pagsusuri ng publiko.